HNY! Disyembre 31, 2007
Posted by Joanne in Year-Ender Special.15 comments
Year-Ender Special Muna. Sa huling araw ng taong 2007, nais kong balikan ang ilan sa mga pangyayari sa aking buhay sa taong nabanggit:
January
January 6. Nakatanggap ako ng isang text message mula sa isang dating HS schoolmate na nasa AdMU. “Congrats, schoolmate na kita.”. Siyempre ‘di muna ako naniwala para may drama. Ang nireply ko, “Totoo ba ‘yan?” at tinawagan niya ako kaya naisip ko na ring totoo nga dahil sino ba naman ang magsasayang load para tumawag kung mantitrip lang. Ang sunod kong tanong, “Pumasa ba ako sa scholarship?” dahil wala akong balak pumasok doon kung wala ang scholarship. Pamatay ang tuition doon at hindi naming kakayanin. Ang sinabi niya, “Oo, 100TF (100% Tuition and Fees Scholarship)”. Sobrang natuwa ako noon kasi may sigurado na akong papasukan na school pagkagraduate ng HS.
January 7. Upang mas maging sigurado na pumasa nga ako dahil hindi ako talagang naniniwala na pumasa nga ako, tiningnan ko sa site ng AdMU ‘yung results.
Parang ganto yata ‘yung nakalagay doon:
LAST NAME: (Siyempre ‘di ko ilalagay)
FIRST AND MIDDLE NAME: Joanne
STATUS: PASSED
COURSE: BSM AMF (BS/MS Applied Mathematics Major in Mathematical Finance. Hindi ito ang course ko ngayon, nagpalit ako bago magpasukan.)
SCHOLARSHIP: 100TF
So, totoo nga na pumasa ako. Mas masaya naman ako noong nalaman kong 15 kaming pumasa sa klase at 7 kaming scholar (Rina, Mars, Alj, Dane, Ate Tre, Lea, at ako) ! Go ACTS!
January 21. Habang nag-uumpisa na akong makatulog sa aming Economics class noong high school, nilapitan ako ni Milcah, isang mabuting kaibigan at kapwa actian at sinabing “Joanne, UPCAT passer ka”. Dahil inaantok-antok pa ako noon akala ko nananaginip lang ako. Matapos ang Eco class, sinugod namin ang computer room na may pinakamatinong internet connection sa school at tinignan ang resulta.Grabe. Sobrang daming nagviview ng results noong mga oras na iyon kaya ang tagal lumabas ng results. Sa huli ay nakita ko rin sa wakas. Parang ganito naman yata ‘yon:
Student Number | Name | Campus | Course
‘di ko maalala | Surname, Joanne Middle Name | Diliman |BS Mathematics
Note: Kung bakit puro Math-related ang course na pinagpipili ko ay hindi ko alam.
Second Note: Kung mapapansin mo, mas mahaba ang ‘yung kwento tungkol sa pagkapasa ko sa Ateneo. Isa lang ang dahilan niyan. Syempre, alam mo na ‘yun.
February
February 9. Kasama ang aking mga magulang, tinungo namin ang UA&P (isa ring magandang school na may mas mahal na tuition sa Ateneo na malapit sa Megamall kung saan nag-aaral ang kaibigan kong si Christian) dahil naimbitahan kami sa isang dinner kasama ang presidente ng unibersidad at ang mga iba pang may matataas na posisyon sa nasabing paaralan. Kabilang daw kasi ako sa top 50 applicants ng paaralan nila at pinagkalooban ako ng merit scholarship. Shocks.
Balik sa dinner ang kuwento. Habang kumakain kami at nakikihalubilo sa mga tao, napag-isip-isip kong hindi yata ako magiging masaya sa paaralang iyon. Hindi ko lang alam kung bakit naisip ‘yun pero ‘yun talaga ang nararamdaman ko. Bagama’t wala talaga akong masabi kung ang educational system, curriculum at convincing powers nila ang pag-uusapan, pakiramdam ko talaga’y hindi ako para sa paaralang iyon.
In fairness, I loved the steak!
March
March 15 (yata). Tinungo namin ni Rina ang AdMU para sa confirmation na doon nga kami mag-aaral. Kasabay na noon ang ID pictorial at ang request ko para magpalit ng kurso mula sa AMF patungong MIS (Management Information Systems). Kung bakit ako nagpalit ay hindi ko rin alam at hanggang ngayon ay nag-iisip pa ko kung lilipat pa ako sa iba. Nag-request din pala kami for transportation and book allowance bukod sa full tuition dahil epal kami at kailangan talaga namin ‘yun.
March 28, 29. Tatlong beses akong gumraduate. Dalawang beses noong unang araw at isang beses noong ikalawa. Napakalaki kasi ng populasyon ng aming paaralan kaya by batch pa ang graduation. Bagama’t nakakapagod talaga iyon, walang-wala naman iyon sa kasiyahang nadama ko sapagkat ang apat na taon ng paghihirap namin ay nasuklian. Masaya rin ako dahil nakatapos ako nang may karangalan at tuwang-tuwa ang mga magulang ko. May video yata ng pag-awit namin ng grad song sa multiply account ko d’yan sa tabi-tabi.
April
April 5 – 30. Nasa Cagayan ako upang sulitin ang summer vacation dahil pagpasok ko, hindi ako magkakaroon ng break for three years dahil required sa kurso ko ang summer classes. Akala ko, mas magiging malamig ang bakasyon ko pero naging kabaligtaran. Ang Cagayan kasi ang mag pinakamainit na temperature sa ‘Pinas noong summer (Umabot hanggang 38 degrees Celsius!) kaya isipin mo na lang kung ano ang kalagayan namin doon. Gayunman, nag-enjoy naman ako sa pananatili ko roon.
April 12. Tumawag ako upang alamin nag resulta ng request namin ni Rina. Ayos. Approved. Pati ‘yung request ko for change of course approved din.
May
Wala akong maala sa buwan na ito bukod sa marami akong na-add sa Yahoo! messenger list ko na hindi ko ganoon kakilala. Mga coursemates ko kasi ‘yun na nakilala ko lang sa OrSem forums. ‘Yun. Mami-meet ko sila sa OrSem (Freshman Orientation Seminar) sa June.
June
June 5. Freshmen Registration. Enrollment. Medyo nangangapa. Nakilala ko ang ilan sa mga blockmates at coursemate na rin sa araw na ito.
June 7-9. OrSem. Masaya ‘to. Kung gusto mo ng kuwento, maghanap ka lang ng multiply accounts ng blockmates ko. Tatlong araw kasi eh. Masyadong maraming nangyari. Nakakatamad ikuwento.
June 13. Unang araw ng klase ko sa Ateneo de Manila University. Simula ng bagong dilemma sa buhay.
July
July 2. Araw ng Pasig. Walang pasok ang mga paaralan sa Pasig pero dahil sa QC ang school ko, aasa na lang akong wala. First time kong nagbiyahe nang walang traffic. Wala lang. Filler.
August
August 17. Sumali ako sa FMIC (Freshman Mathematics Intersection Circle) dahil kailangan ko ito para mapataas ang grade ko sa math at dahil na rin sa pangungumbinsi ng ilang kakilala. Nagkalat ako sa elimination round kaya sobrang nagulat ako noong makapasok pa ako sa finals. Naging teammates ko ang mga blockmates ko na sina Christian at Ainsley. Nasa luma kong blog na (binura ko na) ang kuwento. Tinatamad akong ulitin pa. Basta nakapag-uwi kaming tatlo ng pilak ng medalya.
September
September 4. Bagong blog na naman sa wordpress. ‘Yung blog na ‘yun ay binabasa mo ngayon.
September 24. Una kong nadama ang school spirit. Click HERE for details.
October
October 9-November 11. Sobrang habang sem break. Sinulit ko na sa pagtulog dahil ‘yun na ang pinakamahabang break ko this school year.
October 24. Birthday Party ni Dianne at ACTS mini-renunion na rin. Click HERE for details.
November
November 12-28. The Loyola Schools Bookstore (shop sa loob ng campus) Apprenticeship. Binayaran kami ng P40/hour at scholar’s service hour na rin ‘yun. Masaya noong mga naunang araw pero habang pakaunti nang pakaunti ang customers, boring na. Parang nagpapalamig lang ako doon habang nagbabasa ng Reader’s Digest. Naka-17.5 hours ako. 17.5 x 40 = PhP700. Not bad.
December
December 15. Happy birthday to me. Birthday gift sa ‘kin: Literary Paper, English Paper, ES12 orals, etc. Happy birthday to me na lang ulit.
December 27. My Kuya’s Wedding. Grabe. Parang kailan lang pinapagalitan lang ako ng kuya ko tapos ngayon ikakasal na siya. Nakakaiyak talaga. Bridesmaid ako. Sige, tumawa ka na. Kahit ako natatawa eh.
December 28. Christmas Get-together namin ng mga high school classmates. Sandali lang ako rito. Parang Eat and Run lang. haha.
***
Hindi ko maikakailang naging makabuluhan talaga ang taon na ito para sa akin. Sana’y naging makabuluhan din ito para sa iyo.
Ilang oras na lamang ay sasapit na ang 2008 kaya ngayon pa lang ay nais ko na kayong batiing lahat ng HAPPY NEW YEAR! May you have a blessed and fruitful year 2008.
To my Blog. Disyembre 29, 2007
Posted by Joanne in Fillers.3 comments
WordPress blog, pasensya na kung ‘di ako nakakapagpost ah. Busy-busyhan kasi ako ngayon (sa pagkain). ‘Yung english journal ko nga ‘di ko pa nagagawa. Isang linggo na kong walang naisusulat dun. Tapos may mga mababait pang guro hindi pinatawad ang Christmas vacation at nag-iwan pa ng problema. Hay, basta next time na lang. Advanced happy new year na lang sa ‘yo.
I shall return.
Find the Error Disyembre 16, 2007
Posted by Joanne in Kababawan files.21 comments
Sabihin mo nang masama ako, pero hindi ko talaga mapigilang humagalpak at mang-okray nang mabasa ko ‘yung nasa ibaba sa kahon ng regalong natanggap ng ama ko sa exchange gift nila kamakailan.
Kasama ang lahat ng typographical errors at iba pang errors, heto na, ‘di na kita bibitinin…
**Censored (Para sa aking kapakanan)** Brand High Quality Stainless Steel Electrothermal Cup is mase from the high-quality electrothermal elements. It has high effect and can save energy. It is beautiful, dignified and durable, It can endure the heat and its insulation structure is reasonable. It is convenient for you to use it, It is the suqerfines for you to use it at home or on traveling or the good gift for you to give to your relatives or friends.
REMARKS:
- First put the food into the cup (not too full). Next connect with mains. Then you can start cooking.
- When it turns on, there will be little smoke for 3to4 minutes. It does not affect its quality.
- After you have already cooked it, cut off the mains. Then you can enjoy it.
- This product is forbidden to be soaked into the water to wash. You mustn’t cook it when it is dry.
- There is ground wire in the cup body. Please pay attention to it and use it.
- Please don’t dismantle it at will, so as not to get an electric shock of reduce the insulation function
Comments ko:
- Ngayon lang ako nakakakita ng electrothermal cup na “dignified”. Gusto ko ng dignified na blueberry cheesecake.
- Paano masasabing reasonable ang insulation structure?
- Ano ‘yung mains?
- Napakaraming “it”. Saan ba nagrerefer ‘yung mga “it” na ‘yun?
- Bakit “forbidden” i-soak ‘yung cup sa tubig? Hahabulin ba ako ng manufacturer kapag ginawa ko ‘yon?
- Kailangan ba talagang i-enjoy ko ‘yung pinainit ko sa loob noon dahil nakalagay sa itaas na “Then you can enjoy it.”?
- Paano ‘yung “Please pay attention to it and use it”? Magpe-pay attention ako sa ground wire and at the same time gagamit ko rin?
- At heto ang matindi, “Please don’t dismantle it AT WILL.” Bakit kailangang nilalagay ‘yung AT WILL? (Tawang-tawa ako rito. Sobra.)
‘Yung ibang errors, bahala na ang sinumang bumasa nito na maghanap. ‘Yung thought at nilalaman lang ang binigyang-pansin ko, para hindi naman uber sama ang labas ko. Hehe.
Sana naman mas maging maingat ang manufacturers sa mga ganitong bagay. Ang nangyayari kasi, mas gugustuhin na ng karamihan na bilhin ‘yung package at hindi ‘yung produkto dahil magkakaroon sila ng instant English exercise, ‘yung mga tipong “Find the Error” ang drama.
Sa mas seryosong pananaw, parang ang hirap kasing magtiwala sa kung ano ‘yung nasa loob kapag sa package pa lang ay ‘di na katiwa-tiwala ‘yung nakikita mo. Kung ako kasi ang consumer, unang-una kong titingnan ang package at kapag ganyan ang makikita ko, laughtrip talaga ‘yun. Baka sa sobrang pagtawa ko mawala na ‘yung interes ko sa produkto.
‘Yun.
Liham Disyembre 15, 2007
Posted by Joanne in Kaadikan, Kababawan files.13 comments
Pamuhatan
Disyembre 15, 2007
Bating Panimula,
Napasulat po ako sa inyo ngayon dahil sa tatlong kadahilanan: Una, hindi po ako naniniwalang totoo si Santa Claus; ikalawa, malapit na ang Kapaskuhan; at ang ikatlo, birthday ko po kasi ngayon.
Opo, birthday ko po ngayon. Kahit hindi halata at wala sa itsura na nagbibirthday ako tuwing December, December po talaga ang birthday ko ayon sa aking birth certificate. Dahil nga malapit sa araw ng kapaskuhan ang birthday ko, sa palagay ko ay sulit na bigyang-katuparan ang mga nasa wishlist na ibabahagi ko ngayon. Menos gastos kasi. Two-in-one kung baga, o kaya naman “Hitting two birds with one stone”.
Kung hindi po ninyo maidedeliver ang mga ito ngayon, tumatanggap po ako kahit Enero kung trip n’yong isabay sa New Year, Pebrero kung sa Valentine’s, Marso kung gusto n’yong isama sa Graduation (kahit hindi pa ako gagraduate), Abril kung feel n’yo sa Araw ng Kagitingan, Mayo kung masaya kayong isabay ito sa Labor Day, June kung sa Independence Day, July kung sa Nutrition Month (?), August para sa Buwan ng Wika, Setyembre para sa Science Month (?), Oktubre kung gusto n’yong isama sa UN something (?), Nobyembre kung isasabay n’yo sa birthday ni Boni at sa Disyembre kung trip n’yong isabay sa Pasko. Pero kung ako sa inyo, ngayon na lang kasi. Pero tumatanggap ako anytime, hanapin n’yo lang ako.
O siya, bago pa ko maligaw at makalimot sa talagang pakay ko, ibabahagi ko na po ang aking huwishlish:
- Blueberry Cheesecake. Ito ang dahilan kaya ako nanghihina sa tuwing napapadaan ako sa isang shop ng Red Ribbon. Sa sobrang sarap nito, hindi ko ito malunok at gusto kong nasa bibig ko na lang kaso yucky naman ‘yon. At dahil pagkain nga ‘yun, dapat nilulunok. At dahil nilulunok, nauubos ito. At dahil nauubos ito, kailangang may kapalit. Okay na ako sa 2-3 boxes.
- Paper Machine. Hindi ko kailangan ng machine na gumagawa ng papel, kailangan ko ‘yung gumagawa ng paper. Hindi lang basta paper ang hinihingi ko, gusto ko ‘yung may laman. ‘Yung tipong maglalagay lang ako ng thesis statement and other supporting details tapos ‘yung machine na ‘yung bahala mag-expound. ‘Yung ganon. Hindi po kasi ako mahilig magsulat.
- Cellphone. Gusto ko pa rin ng bagong cellphone kahit hindi ako masyadong gumagamit nito.
- Laptop. Hindi na ako masyadong umaasang magkaroon pa nito pero nasa wishlist ko pa rin.
- Load. Para nakakapagreply naman ako sa dapat replyan.
- Ateneo Shirt. Gusto ko ‘yung 150th Anniversary Special Shirt ng Ateneo. PhP320 siya sa A-shop. Balak ko sanang tuparin ito kaso murdered ang pitaka nitong mga nakaraang araw kaya hindi na natuloy.
- Ateneo Jacket. ‘Yung gawa ng adidas ang maganda. PhP1500 naman siya. Sa A-shop din nabibili.
- Pantali sa Buhok. Bakit ba kasi ang tamad kong bumili ng bago?
- Flashdrive na may bigger capacity. Wala lang. Gusto ko lang kahit hindi ko ito pinupuno.
- Alarm Clock. ‘Yung pwede po akong saktan kapag ayaw kong bumangon, ‘yung ganon lang naman.
- Matinong Graphing Sofware. Kailangan ko po iyan ngayon. Meron ako pero hindi ito ganoon ka-useful. ‘Yung winplot naman na nirekomenda ni Ginoong Dayandante ay nakakanosebleed din. ‘Yung matino at madaling maintindihan lang talaga ang kailangan ko.
- Anti-Sabaw Supplements. Kailangan ko po nito. Ayokong masabaw.
Tama na nga po. Nahihiya na po ako. ‘Yung Blueberry Cheesecake po ang pinakatotoo d’yan, kaya ‘yun na lang po…
At siyempre,
WORLD PEACE.
Salamat po sa paglaan ninyo ng oras sa pagbabasa ng aking munting liham. Nawa’y tuparin n’yo ang aking simpleng kahilingan.
Bating Pangwakas,
Lagda.
***
Karagdagan: Masaya po ang block party namin. Salamat po naroon kaming lahat noong araw na iyon. Nagpapasalamat din pala ako kay Maki na nakabunot sa akin sa pagbigay niya ng Mabangong pabango at misteryosong grape candy na lasang durian mula sa Bench. hehe.
Top Search Engine Terms sa Blog ni Joanne Disyembre 7, 2007
Posted by Joanne in Fillers, Kababawan files.8 comments
Mula noong gumawa ako ulit ng blog noong September, nakatuwaan ko nang tingnan at tipunin ang mga nakakatawang search engine terms na ginamit ng kung sino man para makarating sa blog ko. At dahil December naman ngayon at wala akong maisip isulat (anong konek?), ibabahagi ko ang mga ito ngayon.
Mga Medyo Random Search Engine Terms – Ang say ni Joanne:
“wag mo kong subukan” – ano ha?
kawawa naman ako – ako rin.
huwag mong sabihing ayaw mo na – anong ayaw ko?
paano gumawa ng sorbetes – gusto mo ng kopya? Meron ako.
magandang topic sa pamagat – hindi kita matutulungan d’yan. Patawad.
paano ang pagbuo ng pamagat – dito rin.
solb nanaman si juan – ay, ay, paano naging solb si Juan? ikaw ah.
tamang pagsisipilyo – one way traffic technique. May sticker n’yan sa pinto ng kuwarto ng kuya ko dati.
larong parang the sims 2 – pareho tayong naghahanap ng ganyan, pero walang ganyan sa blog ko. ![]()
pamagat ng kard – anong kard?
mga bagay na nagpapasaya sa mga Pilipino – hmm… di ko rin alam. Sorry.
mabibilhan ng hybrid rice sa pilipinas – mas di ko alam.
kalendaryo na kasaysayan noong November – help! History ang hinihingi nito.
baha october 21 2007 sa pilipinas – may baha noong October 21? Saan?
paaralang excel – Microsoft excel?
paano nagkaroon ng ulan? – effervescence ng water droplets sa clouds. ‘pag di na kaya ng clouds, uulan na.
(warning: ‘wag masyadong maniwala)
maxi peel – naalala ko tuloy ‘yung guwardiya sa school noong HS. Hehe.
di pa taken – ako rin. Hehe.
ano ang pamagat? – Bahala ka na sa pamagat!
bidyo gaming – wala akong maisip sabihin.
nakakatakot na kuwento – walang ganyan dito.
dalaga ka na hiindi na bata – shocks. Pinapangaralan ang pagiging childish ko.
ginataang Mais photo – mahilig akong kumain n’yan pero wala akong pic.
kwento ng BAHALA NA – ganito ‘yan. May isang batang tinatamad mag-aral. Ang sabi n’ya, “bahala na.” Tapos.
Ulyanin – pareho tayo!
loveteam anime – si Koizumi Riza at Otani Atsushi lang ang nandito eh.
School-Related Search Engine Terms – Ang Say ni Joanne:
ateneo dress code flip flop smocket – ayokong magcomment. Hehe.
ateneo caf-up – may ginto ang mga pagkain d’yan.
VL Salle – nakaraan na ‘to. Ayoko nang ungkatin pa.
la salle lyrics– gary, ogie, randay – may inaccurate lyrics n’yan dito. at kumusta naman, sino si RANDAY!
sarap maging atenista shirt – masarap maging atenista pero wala akong ganyang shirt.
live UAAP” in internet – sa youtube ka pumunta kung gusto mo ng vid pero hindi live ‘yun.
I passed the acet shirt – may nabibiling ganyan somewhere at hindi ko alam. Wala kong ganyang shirt.
sa poetry ni rolando s tinio – cute ng tulang ‘yan. Promise.
mga tamang gabay sa pag aaral – whoa. Wala n’yan dito. Hehe
intact ateneo – ‘uy interesado sa intact. Si Chong Lao ang sagot sa problema mo!
how to view grades aisis – punta ka sa aisis site, login ka, tapos andun na ‘yun.
gabay sa misa – pangalan yata ‘to ng orgs na sinalihan ko ah. Gabay at MISA.
accounting ateneo – mahirap raw ang accounting sa ateneo. Ika nga, SOM subject from hell daw.
Long test repeat – wow! Gusto ko n’yan.
Distribution of Final Marks and Regforms – noong Nov 5 pa.
UP enlistment 07-08 hassle – hassle nga raw ‘yung enlistment sabi ng mga taga-UP.
para sa mga estudyante na hindi mahilig – ano ito? wala akong masabi.
querebillo ateneo- teacher ko siya sa Chem Lab dati.
multiply block Q orsem 2007 – anong course ‘yung block Q? ‘di ko rin alam.
Topnotchers – Ang Say ni Joanne:
Inday Jokes – punta ka sa blog ni Inday.
Death Note – apir tayo! I love Death Note!