Ano ang gagawin mo… Nobyembre 29, 2007
Posted by Joanne in Fillers, Kababawan files.9 comments
Ano ang gagawin mo kung habang naglo-long exam kayo sa Math 20 (Calculus for Economists, kahit ‘di ka economist) ay nag-LBM ang ballpen mo?
Ituloy lang ang pagtetest. Wala naman sinabing bawal magtae ang ballpen eh. Pasalamat ka at ‘yung ballpen ang tinawagan ng Kalikasan at hindi ikaw.
Ano ang gagawin mo kung malakas ang ulan at may payong ka naman ngunit ayaw mong mabasa ito dahil mahirap dalhin?
Hayaang mabasa ang sarili. Sa huli ay mapipilitan ka ring buksan ‘yan.
Ano ang gagawin mo kung naghahanap ka ng Bavarian at Strawberry-filled donuts at tumambad sa iyo ang isang booth ng Dunkin Donuts sa school? Katatapos mo lamang mag-Aerobics noong araw na iyon at mayroon ka ring panata na magdidiyeta ka na.
Bumili ng donut. Gawin mong tatlo o kaya apat. Masarap ang bawal minsan. Maaari ka ring manalangin na matapos na ang fair ng org na nagpasimuno ng pag-iimbita ng sandamukal na food stores sa inyong paaralan.
Ano ang gagawin mo kung maraming nagtetext sa iyo, nagtatanong ng ganoon, ng ganyan at hindi ka makapagreply dahil 14 cents lang ang prepaid credits mo?
Maghanap ng malapit na computer area sa school, maglogin sa chikka, itext ang kailangang itext, at mag-ingat sa computer dahil paboritong hobby noon ang mag-hang.
Ano ang gagawin mo kung naiwan mo ang tangke ng tubig mo sa bahay ninyo?
Uminom sa mga drinking fountains na nakakalat sa school. Tandaan: hindi pinapainom ng tubig ang ilong. Iwasang maghilamos sa drinking fountain kahit ‘yun lang ang palusot mo sa kamangmangan sa tamang paggamit nito.
Ano ang gagawin mo kung may dapat kang basahin ngunit timatamad ka?
Basahin ang readings na iyon nang tatlong beses at tulugan.
Ano ang gagawin mo kung pinapahanap ng teacher mo sa iyo ang depth ng Ateneo above sea level?
Gamit ang kaagapay ng mga tamad magtraditional research, ang wikipedia, hanapin ang depth ng QC at Marikina, dahil nakahimlay ang AdMU sa mga lungsod na ito at kunin ang average nito. Pwede mo ring kunin ang actual measurement, good luck na lang.
Ano ang gagawin mo kung biglang naglaho ang bente pesos na pambayad mo sa tricycle sa kamay mo?
Huwag bayaran ang driver. Idahilan na ang mabilis na pagpapatakbo niya ang dahilan kaya nilipad ang pera mo. (Joke). Maghanap ulit ng bente sa pitaka (kung meron pa). Ibayad. Hintayin ang sukli at baka hindi ibigay. Hanapin ang bente sa katawan. Tawanan ang sarili kapag nahanap mo ito.
Ano ang gagawin mo kung walang pasok bukas at ayaw mo pang gumawa ng mga takdang aralin?
Sumulat ng walang kuwentang entry sa nilalangaw mong blog. Matulog.
Newsflash Nobyembre 24, 2007
Posted by Joanne in Hetonanamanako Express.2 comments
HETONANAMANAKO Express (HE)
Balitang Latest at Presh na presh!
Vol. 1, Issue no. 3
KUYA NI JOANNE, IKAKASAL NA SA SUSUNOD NA BUWAN!
Humigit-kumulang isang buwan na lamang ay idaraos na ang pinakaaabangang kasal ng kuya ni Joanne na si Alvin at ang nobya nitong si Cielo sa isang lugar sa Quezon City.
Narito ang isang espesyal na pre-wedding video ng dalawa na naglalaman ng mga di-malilimutang moments ng pagsasama nila bilang magkasintahan:
(MTRCB Note: Watch at your own risk. Baka langgamin ang PC n’yo.)
Nang muli na namang kapanayamin ng HE Staff si Joanne, isa lamang ang nais niyang iparating sa pinagkahaba-haba ng sinabi niya: Masaya siya para sa kanyang kapatid at sa magiging kabiyak nito. “Match made in heaven talaga sila. Noong una ko ngang makilala si Ate Cielo noong high school pa ako, naisip kong siya talaga ang para kay kuya.”, ani Joanne.
“Marami na silang pinagdaanan. Alam kong handa na silang i-take to the next level ang pagsasama nila. I wish all the best for them”, dagdag pa niya.
Napag-alaman ng HE staff mula sa isang reliable source na si Joanne ay magiging bridesmaid sa kasalang iyon. Nang tanungin si Joanne ukol dito, sinabi niyang nagulantang din siya nang makita niya ang pangalan niya sa wedding invitation. Hindi niya hilig magsuot ng gown at ito marahil ang unang pagkakataong gagawin niya iyon.
(Editor’s Note: Ayaw ni Joanne sa gown. Hind nga umatend si Joanne sa Seniors’ Prom nila noong HS dahil baka sumakit ang tiyan niya sa katatawa kapag nakita niyang naka-formal attire ang mga kamag-aral niya. Hindi rin naman sapilitan ang pagdalo sa nasabing prom kaya hindi na siya pumunta. Anong koneksiyon nito sa topic? Wala lang. Kaunting background lang sa gown-less life ni Joanne.)
“Wala na akong nagawa. Nakaprint na ‘yung invitation. Sana nakita ko ‘yun bago sila nagproduce nang marami at may nagawa pa sana ako. Kahit mabigat sa kalooban kong mag-gown, malagyan ng make-up at maayusan ng buhok, sige papayag na ako. Para sa kapatid ko at sa future sis-in-law ko. Para sa kanila.” ani Joanne.
Dahil hindi maisip ng HE staff kung paano tatapusin ang balitang ito, nais niya na lamang ding iparating ang kanyang pagbati sa mga ikakasal. Nawa’y maging matatag, mapayapa, at masaya ang pagsasama nila sa mga taong darating.
Ladies’ Room Nobyembre 22, 2007
Posted by Joanne in Poetry-kuno.16 comments
Pumunta ako
Sa palikuran
Malapit sa cafeteria
Nang dumating
Ang isang dalaga.
Sabaw* yata.
Inilabas ang mga kolorete
Para sa mukha.
Tumunog ang MotoRazr
At kanyang kinuha.
“It’s so like, you know,
Par’ng, Yah,” aniya,
Sabay pagmamadali
Sa kanyang pagpapaganda.
At siya’y lumabas sa palikuran
Sabay balik bigla.
Natapos ang lahat
Sa mascara
At pampakulot sa pilik
Na Shu Uemura.
*sabaw- pang-uring ginagamit sa paglalarawan sa estudyanteng nasa hell week/month/sem niya o kaya naman doon sa mga may sobrang heavy study load.(ayon sa AdMU freshman orientation seminar manual).
PE 102. Sana 101 na lang. Nobyembre 16, 2007
Posted by Joanne in College Stuff, Randomness.13 comments
Pinili ng ilan ang PE 102 a.k.a Aerobics bilang PE class nila ngayon dahil marahil sa dalawang kadahilanan: Una, dahil feeling nila pabigat na sila sa mundo at ang ikalawa, trip lang nila. Sa kaso ko, mas dominanteng dahilan ang ikalawa. Trip ko lang talagang mag-aerobics, gaya noong 1st sem na trip ko ring mag-yoga.
Masaya ang unang araw ng Aerobics class ko noong Huwebes. Pumasok ako nang maaga noong araw na iyon, suot ang PE uniform para didiretso na lang ako sa dance area at ‘di na magbibihis pa. Siyempre wala naman nagsabi sa ‘king uulan pala noong umagang iyon; mahihirapan akong sumakay sa may Ligaya (somewhere in Marcos Highway); magiging traffic sa Katipunan limang minuto bago magstart ang class; at mapipilitan akong maglakad/tumakbo papasok sa school kaya pagdating ko sa dance area, basang basa ako. Pero higit na mas masaya pa ang nangyari kasunod nito, noong actual aerobics class na.
Pinamukha sa ‘kin ng Aerobics kung gaano ako kashunga sa pagleleft at right ng paa ko. Inborn talent ko kasi ‘yun. Parehong left (o right) ang paa ako kaya medyo slow ako pagdating sa steps lalo na kung hindi ako nagko-concentrate. Samahan pa ‘yan ng mabigat na jogging pants (dahil nabasa rin) at mas basang-basang rubber shoes, ikaw na ang bahalang mag-imagine kung ano itsura ko noong oras na iyon.
Makintab na wood ang flooring ng dance area. Kamukha ‘yun ng sahig sa dating TV ad ng star wax kaya nakakahiya tuloy apakan. Dahil makintab, maaari na ‘ring sabihing madulas ang sahig na ‘yon kaya noong may footwork na, muntik na akong magsplit noong mag-step back kami.
Matapos ang footworks, 15-20 minutes ang crunches. Ang sakit-sakit noon, lalo na kung hindi ka sanay na gawin iyon nang ganoon katagal. Hanggang ngayon nga ang sakit pa rin ng muscles sa abdomen ko at sa leeg. Gusto ko mang tumawa sa ngayon ay hindi ko magawa dahil nako-contract ang muscles ko sa abdomen at sumasakit lang. Hindi rin ako makalingon sa likod dahil sumasakit ang leeg ko. Ang saya talaga.
Hindi rin nakaiwas sa aking mapanuring pagsusuri (anlabo) ang music namin. Cool. Puro halu-halo. Puro Remix. Kapag gagawa na kami ng ganoon, paghahaluin ko ang Moonlight Sonata ni Mozart, Four Seasons ni Vivaldi, Suteki da Ne ni Nobuo Uematsu, Lando ni Gloc-9 yata (jeepney hit!), ‘yung isang jeepney song na alam kong alam mo pero hindi ko alam ang title (‘yung may lyrics na “…may kasama kang iba, kahit kapiling mo na siya, ting-ting!), ‘yung rap version ng Torpedo, ‘yung isa pang jeepney hit na hindi ko alam ang title (‘yung may lyrics na “ayoko na sanang magmahal…”), ‘yung “Kinikilg Ako” ng Baywalk Bodies at ‘yung “Sayaw Darling” ni Willie. Siyempre hindi ko tototohanin ‘to at baka makuyog ako ng mga magiging future groupmates ko.
Basta, I love you aerobics talaga! Magiging tolerant din ako sa muscle pains at iba pang kachorvahan na dulot mo sa susunod.
Pag-iisipan ko na talaga ang PE ko sa susunod. Ang hirap talaga kapag trip-trip lang ang lahat.
First Day Nobyembre 12, 2007
Posted by Joanne in College Stuff, Fillers.7 comments
Dapat talaga may isusulat akong matino ngayon. Kaso, as usual, tinatamad na naman ako.
Wala namang masyadong special na nangyari sa araw na ito bukod sa pasukan na sa Pamantasang Ateneo de Manila. Basta masaya lang ako’t hindi ang kilabot ng ES10 na si **toot** ang naging teacher ko. Kaya lang, magsusurvey at magreresearch pa ako sa reputasyon ng teacher na napunta sa class namin. Baka mamaya’y scary rin pala siya.
First day ng work ko sa Loyola Schools Bookstore bukas. Sana maging taga-lagay lang ako ng libro sa plastic.
O siya, sibat na ako. Saka na ‘yung details.
(Nga pala, hindi ako tumupad sa no-to-see-food-diet policy ko sa araw na ito. Ang hirap eh, lalo na’t carbonara, spaghetti at cake ang dinatnan ko pag-uwi sa ‘min. Bukas talaga magtitino na ako.)